PatrolPH

'Tongpats' umano sa importasyon ng baboy, ibinulgar sa Senado

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2021 12:41 AM | Updated as of Mar 16 2021 08:13 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Isiniwalat ni Senator Panfilo Lacson ang umano'y bilyong-pisong halaga ng katiwalian sa importasyon ng baboy.

Sa plenary session, sinabi ni Lacson na napag-alaman niya mula sa loob ng Department of Agriculture (DA) na may nangongolekta ng "tongpats" na mula P5 hanggang P7 para sa bawat kilo ng inaangkat na baboy.

Naibibigay umano ito ng mga pork importer dahil aabot sa P44.64 ang kanilang kita sa bawat kilo ng baboy na naibebenta nila sa halagang P284 kada kilo.

Watch more on iWantTFC

Dahil dito, sinabi ni Lacson na suportado niya ang pananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang padagdagan ang importasyon ng baboy at huwag na ring pababaan ang taripa nito.

Hindi naman kasi aniya kailangang ibaba ang buwis dahil kumikita na ang pork importers sa antas ngayon ng taripa at papatayin din ng importasyon ang local industry.

Dagdag pa dito, lalo rin umanong lolobo ang "tongpats" na nakokolekta ng ilang mga taga-DA.

Sa ngayon hanggang 54 million kilos lang ang puwedeng angkatin sa loob ng limit o minimum access volume na gustong itaas ng DA at nasa 30 to 40 percent ang taripa.

Ayon kay Lacson, kung matutuloy ang gusto ng DA na mag-import ng 400-milyong kilo ng baboy at ibaba ang taripa sa 5 to 10 percent – maaring maging doble ang "tongpats" ng ilang taga-DA, na maaring umabot mula P10 hanggang P15.

Dahil dito, sinabi ni Lacson na maaring makalikom ng P4 billyon hanggang P6 bilyon na tongpats ang masusuwerte sa loob ng DA.

Bago ito idinetalye, ipinunto ni Lacson na ang nangangasiwa sa pork importation ay ang tinatawag na Minimum Access Volume Management Committee ng DA, at kasapi ng komite ang Bureau of Animal Industry at National Meat Inspection Service, na hindi naman umano niya pinararatangan ng katiwalian.

Nanawagan naman si Lacson sa Presidential Anti Crime Commission na imbestigahan ito moto propio.

Wala pang opisyal na pahayag ang DA ukol sa mga alegasyon ni Lacson.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.