PatrolPH

Lalaki nalunod sa ilog sa Aklan; bgy chairman sa Northern Samar nalunod matapos hampasin ng alon

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2021 11:13 AM | Updated as of Mar 16 2021 12:11 PM

Dalawang lalaki ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa Aklan at Northern Samar.

Sa Aklan, narekober ng awtoridad ang bangkay ni Ricky Tapayan, 50-anyos, isang araw matapos na matangay ng agos sa ilog sa Barangay Tondog sa Tangalan.

Lalaki nalunod sa ilog sa Aklan; bgy chairman sa Northern Samar nalunod matapos hampasin ng alon 1
Lumangoy patawid ng kabilang bahagi ng ilog si Ricky Tapayan nang tangayin ng malakas na agos ng tubig. Larawan mula kay Jhay-ar Antayao

Sa imbestigasyon ng Tangalan Police, Linggo ng hapon nang utusan ni Tapayan ang kaniyang anak na kunin ang alagang baka sa kabilang bahagi ng ilog.

Pero hindi alam ng anak na sumunod pala ang kaniyang ama at lumangoy patawid ng ilog. Ngunit dahil sa lakas ng agos ng tubig, natangay ito at tuluyang nalunod.

Dagdag pa ng awtoridad na nakainom din ng alak si Tapayan.

Lunes na ng hapon nang makita ng mga mangingisdang sakop ng Afga, Tangalan, ang katawan ni Tapayan na palutang-lutang sa dagat.

Kaagad na humingi ng tulong ang mga mangingisda sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Tangalan para makuha ang katawan ng biktima at madala sa punerarya.

Lalaki nalunod sa ilog sa Aklan; bgy chairman sa Northern Samar nalunod matapos hampasin ng alon 2
Naglalambat umano ang barangay chairman na si Daniel Cantong Sallave nang hampasin ng malakas na alon. Na-trap pa sa lambat ang bangkay ni Sallave. Larawan mula sa Northern Samar News and Information

Lunes ng hapon naman nang malunod si Barangay Chairman Daniel Cantong Sallave sa Bantayan Beach sa San Roque, Northern Samar.

Si Sallave ay barangay chairman ng Ginagdanan sa naturang bayan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang kapitan at dalawa nitong kasama ay nangingisda gamit ang lambat nang hampasin sila ng malaking alon na siyang naging dahilan sa kaniyang pagkalunod.

Umabot sa ilang oras bago ma-retrieve ang bangkay ng biktima dahil na-trap pa ito sa lambat na ginamit nila sa pangingisda.

- Ulat nina Rolen Escaniel at Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.