PatrolPH

Higit 1,000 nahuling lumabag sa curfew sa Maynila, 200 mga menor de edad - pulisya

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2021 03:15 PM

MAYNILA - Sa unang gabi ng pagpapatupad ng curfew sa Maynila, higit 1,000 ang nahuling lumabag ng pulisya, kabilang ang nasa 200 menor de edad, ayon sa Manila Police District (MPD) ngayong Martes. 

Matatandaang nagpatupad muli ng curfew hours ang mga mayor ng Metro Manila mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga simula nitong Lunes hanggang sa katapusan ng Marso. Ito’y dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon. 

Sa panayam kay MPD Director Police Brig. Gen. Leo Francisco, nasa 1,139 ang nahuli ng awtoridad na lumabag sa curfew hours, kung saan 213 ang mga menor de edad

Pinatawag ang mga magulang ng mga bata at iniimbestigahan kung mayroong naging kapabayaan para kasuhan ang mga magulang.

PANOORIN: 

Watch more on iWantTFC

Inaalam rin kung ang mga nahuli nitong Lunes ay dati na ring nahuli sa curfew para mabigyan ng mas mabigat na parusa. Pero lahat ng mga nahuli ay dinala sa mga basketball court kung saan pinag-ehersisyo ang ilan para umano magtanda.

“Dito kasi sa Manila dati iba ‘yong oras. Pero we have a city ordinance na curfew. 'Yun ang nire-review namin kung sino 'yung mga naunang nag-violate. 'Pag na-review namin 'yun pwede pa rin namin silang kasuhan kasi sila ay na-release na,” ani Francisco. 

Karaniwang matigas aniya ang ulo ng mga nahuling lumabag at tumambay pa rin sa labas ng bahay sa kabila ng paulit-ulit na paalala.

MPD STATION 11, ISINAILALIM SA ‘SPECIAL QUARANTINE’

Inaalam pa rin ng MPD kung ilan sa mga nahuling lumabag sa mga naunang ni-lockdown na barangay ang dinala sa quarantine facility tulad ng naging babala ni Manila Mayor Isko Moreno. 

Dadalhin din daw sa quarantine facility ang mga mahuhuling lumabag sa curfew na makikitaan ng sintomas ng COVID-19. 

“Tiyakin natin na hindi tayo pagala-gala sa kalsada para maiwasan natin na ma-apprehend ng ating mga law enforcement agency,” aniya.

Samantala, inilagay sa special quarantine simula Lunes ang MPD Station 11 matapos magpositibo sa coronavirus ang 48 na kawani nito base sa resulta ng kanilang testing simula noong Marso 3 hanggang Marso 14. 

Nagpadala na ng augmentation ang MPD headquarters sa Station 11 sa Binondo para magpatuloy ang operasyon nito.

Inaalam pa kung paano kumalat ang virus sa istasyon. Wala pa namang nakikitang ibang istasyon na kailangang ilagay rin sa special quarantine. 

Sa kabuuan, 56 na pulis sa 4,376 ng buong MPD ang kabilang sa COVID-19 active cases.

Nakahanda na rin ang nasa 2,000 pulis ng MPD na magbabantay sa mga 6 na barangay na isasailalim sa lockdown umpisa sa Miyerkoles hanggang Sabado.

Nakapagtala na ang lungsod ng 31,529 na kabuuang kaso ng COVID-19, kung saan 1,846 ang nananatiling aktibong kaso. 

- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.