PatrolPH

2 senior citizen na nangingisda sinita dahil 'di rehistrado ang bangka'

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2021 07:35 PM

MATI CITY, Davao Oriental — Hinuli ng mga pulis noong Lunes ang 2 senior citizen na nangingisda dahil ilegal umano ang kanilang ginagawa. 

Nangyari ang insidente sa Sitio Camansi, Barangay Badas sa lungsod na ito.

Napag-alaman ng mga awtoridad na hindi rehistrado ang bangka nina Bernardo Tolin, 62, at Ernido Opo, 65, kaya hindi sila maaaring mangisda roon.

Dinala sa Philippine National Police Maritime Group temporary shelter ang 2 senior citizen at inabisuhan na pumunta sa City Agriculture Office para iparehistro ang kanilang bangka.

Ayon sa City Agriculture Office, nasa P930 hanggang P980 ang isang taong registration ng motorized banca.

Samantala, bumuhos naman ang tulong mula sa mga netizen para sa pagpaparehistro ng bangka nina Tolin at Opo, ayon sa Mati City Information Office.

Nilinaw din ng pulisya na hindi kinulong ang dalawa at hindi rin kinumpiska ang kanilang bangka.

Nagbigay din aniya ang PNP Maritime Group ng gasolina sa mangingisda para makabalik sa kanilang tahanan.

—Mula sa ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.