TIPS: Paano mapawi ang takot, pangamba sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2020 05:19 PM | Updated as of Mar 16 2020 06:10 PM

MAYNILA — Mula nang ipatupad ang community quarantine sa Metro Manila, sa kanilang compound na lang muna nananatili ang pamilya ni Gecell Castillo.

Takot din daw silang mahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil kasama nila sa bahay ang kaniyang nanay na may edad na rin.

"Sobrang takot... Mahirap magkasakit dahil madali ka ring makahawa... Nag-stock na kami ng grocery," ani Castillo.
 
Ayon sa psychiatrist, normal lang na maapektuhan ng mga nangyayari sa paligid, lalo pa kung may peligro rin ito sa sarili. 'Yun nga lang, ang labis na pangamba ay may epekto rin sa kalusugan.

"Ang worry and fear nakakababa ng immune system kung kaya mamaya inuubo ka na, sinisipon ka na," sabi ng psychiatrist na si Bernadette Arcenas.

Ani Arcenas, may mga puwedeng gawin para maibsan ang anxiety o pangamba, gaya ng mga sumusunod:

  • Kumuha ng impormasyon sa mga awtorisadong source
  • Gamitin ang smartphone at social media para mayroong komunikasyon sa pamilya at kaibigan
  • Mag-eherisyo sa bahay
  • Makipag-bonding sa pamilya

"Create activities at home, the more active ay mas lalabas ang happy hormones," paliwanag ni Arcenas.

Sa huling tala, 140 na ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, ang 12 na dito ang namatay.


—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.