Community quarantine, inter-island community quarantine, ipinatupad sa Masbate

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2020 05:54 PM

Kasalukuyang ipinatutupad sa lalawigan ng Masbate ang community quarantine at inter-island community quarantine dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito'y ayon sa Executive Order No. 05 na ipinalabas ni Masbate Governor Antonio Kho matapos isailalim sa State of Public Health Emergency ang Pilipinas dahil sa banta ng COVID-19.

Sa ilalim ng nasabing kautusan, ipagbabawal na ang pagpasok at paglabas sa lalawigan simula alas-4 ng hapon ngayong Lunes, Marso 16.

Ipagbabawal din ang pagpunta sa Ticao at Burias Island mula sa mainland Masbate. Bawal din pumunta sa Ticao ang mga nasa Burias at bawal pumunta sa Burias ang mga nasa Ticao Island.

Papayagan lamang ang mga residente ng dalawang isla na makapasok sa mainland Masbate kung bibili sila ng basic goods or commodities o kung kailangan ng medical assistance.

Papayagan namang makapasok ang mga cargo na may dalang basic commodities gaya ng pagkain.

Ang ports of entry at departure ay gagawin lamang sa Aroroy at Masbate City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.