PatrolPH

Biker na 2 araw nawala, nasagip ng Air Force sa kabundukan ng Itogon

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2019 04:29 PM | Updated as of Mar 16 2019 06:26 PM

Biker na 2 araw nawala, nasagip ng Air Force sa kabundukan ng Itogon 1
Dalawang araw nawala sa kabundukan ang biker na si alyas Matt bago nasagip ng Philippine Air Force nitong Sabado. Kuha mula sa Philippine Air Force

Na-rescue ng Philippine Air Force sa isang bundok sa Itogon, Benguet nitong Sabado ang isang biker mula Maynila na dalawang araw nang nawawala.

Galak at pasasalamat ang nangibabaw nang salubungin ng kaniyang kapatid ang 41 anyos na biker mula Quezon City na si alyas "Matt."

Huwebes ng hapon, kasama ng biker ang apat pa niyang kaibigan na nagbibisikleta sa Mount Ugo.

Inakala niyang nasiraan ng bisikleta ang tatlo kaya binalikan niya ang mga ito para sana tulungan pero hindi na niya sila nahanap.

Nahirapan na rin siyang sundan ang bike trail dahil nangitim na ito matapos ang forest fire noong nakaraang buwan.

KALBARYO

Kuwento ni Matt, jacket at trash bag ang ginamit niya para labanan ang lamig sa bundok.

Nakahanap din siya ng barong-barong na masisilungan.

Tubig mula sa batis at ang baong dalawang jelly ang naging laman ng kaniyang tiyan sa dalawang araw na pagkawala.

Huwebes ng gabi ay nagsimula ang ground search ng Itogon police sa Barangay Tinungdan kung saan siya huling nakita.

Sa Kayapa, Nueva Vizcaya ang point of origin ng bikers.

"Naki-coordinate kami sa Kayapa. Lumabas 'yung registration nila doon. So ibig sabihin, nagpaalam sila... Ang problema namin dito sa Itogon hindi namin alam. Nung nawala sila saka lang namin nalaman," sabi ni Police Maj. Rommel Sawatang, hepe ng Itogon police.

RESCUE

Alas-9 ng umaga Sabado, natagpuan si Matt ng 505th Search and Rescue group at tactical operations group one ng Philippine Air Force.

Nasa taas na 5,000 feet sa bahagi ng Mount Ugo si Matt nang makitang kumakaway sa recue team. 

"In-attempt namin siyang puntahan dun sa area kaso medyo mataas 'yung mga puno dun kaya hindi kami nakapag-land. So ang ginawa namin, umikot kami. Naghanap kami ng landing spot. And then nung nakapag-land kami nang medyo maayos, pinababa ko 'yung dalawang operators namin," paliwanag ni Capt. Aarjaye Escote, pilot in command ng helicopter na nakasagip sa lalaki.

Mula sa landing spot, kalahating kilometro ang nilakad ng pararescuers para mapuntahan ang biker. 

Dahil nanghihina, inakay nila ito pabalik para isakay sa chopper. 

"Pagkakita ko sa kaniya, ang ginawa niya sa akin is niyakap niya ako. Kasi sabi niya sa sarili niya, unang tao na makita niya is yayakapin niya raw. So niyakap niya ko. Then sumunod 'yung kasama ko. Niyakap niya rin," sabi ni Staff Sgt. Joey Sanchez, isang pararescuer.

Naipatingin na sa medical team ang biker. Wala namang nakitang problema bukod sa mga galos at sugat na tinamo mula sa paglalakad. 

Uuwi na ang biker sa kaniyang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.