3 patay nang makipagbarilan sa pulis sa Misamis Oriental

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2019 03:41 PM

LAGUINDINGAN, Misamis Oriental - Tatlo ang napatay sa paghahain ng search warrant ng pulisya sa Purok 1, Barangay Sinai dito sa bayan, Biyernes ng gabi.

Ayon sa pulisya, ihahain sana nila ang search warrant para sa target na si Dodong Pindulangan para sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga nang paputukan sila ng dalawang lalaki sa labas ng inuupahang bahay ng suspek.

Napatay ang dalawa na nakilalang sina Runkle John Lago at Carlo Dagondon.

Sunod na napatay ang target na nakipagbarilan din umano sa mga pulis.

Ayon kay Police Capt. Royre Tabuclin, maaring mga runner ng target ang dalawang lalaking una nilang nakaengkuwentro.

Narekober sa kanila ang isang revolver, 9mm pistol, dalawang hand grenade, mga bala, hinihinalang mga shabu at mga panggamit ng droga.

Parehong nasa watchlist ng mga pulis ang target na si Pindulangan at Dagondon.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis kung kasapi ba ng mga sindikato ang mga napatay at kung may kinalaman sila sa iba pang krimen sa lugar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.