2 sugatan nang sumemplang ang motorsiklo dahil sa nakalaylay na kable sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2019 09:38 AM

Nilalapatan ng paunang lunas ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na naaksidente dahil sa nakalambiting kable ng telepono. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang sugatan matapos sumemplang dahil sa nakalambiting kable ng telepono sa Quimpo Boulevard dito sa siyudad, Biyernes ng gabi.

Nagtamo ng sugat sa mukha ang 19 anyos na si Paul Pang, habang bali ang kaliwang paa at sugatan sa kamay ang 18 anyos na driver ng motorsiklo na si Teodore Granada.

Sa imbestigasyon, pauwi na sa kanilang bahay ang dalawa galing sa pamamasyal nang di mapansin ang nakalambitin na kable sa kalsada sa kanilang pagdaan. Natumba ang motorsiklo at pumailalim pa sa nakaparadang mobile clinic sa tabi ng kalsada.

Ayon kay Nony Abarquez, nakakita sa aksidente, sinubukan pa umano ng driver ng motorsiklo na iwasan ang kable ngunit nasagi na nila ito at di na nakontrol pa ang manibela.

Nilapatan ng paunang lunas ang mga sugatan bago dinala sa ospital.

Rumesponde naman ang contractor ng telecommunication company at pinutol na ang nakabitin na kable ng telepono.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.