2 kasapi ng kidnap-for-ransom group patay sa engkuwentro sa Lanao del Norte

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2019 01:47 PM

Pinaghahanap pa ng awtoridad ang tatlong kasamahan ng napatay na miyembro ng kidnap-for-ransom group sa Kauswagan, Lanao del Norte. Larawan mula sa National Bureau of Investigation-Iligan


KAUSWAGAN, Lanao del Norte – Dalawang kasapi umano ng isang kidnap-for-ransom group ang napatay nang makipagbarilan sa awtoridad sa nasabing bayan, Biyernes ng hapon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Zainal Wahab Onding at Naipodin Hosain habang nakatakas naman ang 3 kasamahan nila.

Ayon kay Police Capt. Robert Joey Ajero, Marso 10 nang rentahan ng mga suspek ang sasakyan ng biktimang si alyas Benjie.

Mismong biktima rin ang nagmaneho para sa mga suspek. May mga sinundo pa silang ibang pasahero bago nagdeklara ang grupo ng hold-up at kidnap.

Pinababa ang ibang pasahero at dinala sa Lanao del Sur ang biktima. 

Sabi ng biktima, pinalaya siya matapos magbayad ang pamilya niya ng P50,000 kapalit ng kalayaan. Pero pinaiwan ang kaniyang sasakyan at pinatutubos umano sa halagang P70,000.

Sa bayan ng Kauswagan nagkabayaran pero namaril umano ang grupo nang mahalatang mga taga National Bureau of Investigation (NBI), City Investigation Bureau at Anti-Kidnapping Group na ang kanilang ka-transaksiyon. 

Wala umano sa rogue gallery ang mga suspek kaya’t hinala ng awtoridad na miyembro sila ng bagong kidnap-for-ransom group.

Patuloy naman na pinaghahanap ng awtoridad ang mga nakatakas na miyembro grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.