Tinaguriang 'pork barrel queen', pasok sa Witness Protection Program ng DOJ

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 01:55 PM | Updated as of Jan 24 2020 05:07 PM

Watch more in iWantTFC

Isinailalim sa provisional Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ) ang itinuturong "arkitekto" ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.


Kinumpirma mismo ito ni Justice Undersecretary Erickson Balmes matapos maisapubliko ang sertipikasyon ng DOJ na epektibo pa noong Pebrero 27.



Kasunod nito, hiniling ng kampo ni Napoles na mailipat siya sa kustodiya ng DOJ mula sa kaniyang piitan sa Camp Bagong Diwa.
    
Una nang sinabi ng Palasyo na isang "central figure" sa pork barrel scam si Napoles kaya marapat lang itong pagsalitain.
    
Nahaharap si Napoles sa patong-patong na kaso ng plunder at graft kaugnay ng scam.

Sa ilalim ng kaniyang scam, nagpadaloy umano ng bilyon-bilyong pisong Priority Development Assistance Funds (PDAF) o kilala noon bilang pork barrel ang mga kongresista sa mga bogus na non-government organizations (NGO).

Watch more in iWantTFC

Aguirre, binatikos, pinagbibitiw

Samantala, kutakutakot na batikos ang inabot ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre dahil sa probisyunal na pagpasok kay Napoles sa WPP.

Kinundena ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang hakbang dahil malaki umano ang pananagutan ni Napoles kaya hindi siya puwedeng testigo.
    
Pero ang mas ikinagagalit ni Zarate, baka magamit si Napoles para brasuhin ang mga senador at kongresista sa binabalak na constituent assembly.

Iyun din ang tingin nina Akbayan Rep. Tom Villarin at Senador Risa Hontiveros.

Para naman kay Senate President Aquilino "Koko" Pimentel, "kabaliwan" ang pagiging witness ni Napoles dahil siya ang may pakana ng pork barrel scam.

"What an unbelievable, crazy development. Do some people in the DOJ really believe that [Napoles] is qualified to be a state witness in the PDAF scam which she herself invented, organized, and perpetuated?" ani Pimentel.
    
Lalo namang lumakas ang panawagang mag-resign o sibakin na sa puwesto si Aguirre, lalo't kailan lang sumingaw na nabasura pala ang kaso laban sa umano'y drug lord na si Kerwin Espinosa.
    
--May ulat nina RG Cruz at Adrian Ayalin, ABS-CBN News
    

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.