Tanod patay matapos barilin ng miyembro ng CAFGU sa Misamis Oriental

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 09:54 PM | Updated as of Nov 30 2018 09:38 PM

Arestado ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos niyang barilin umano ang isang barangay tanod. Rod Bolivar, ABS-CBN News

OPOL, Misamis Oriental — Patay ang barangay tanod sa bayang ito matapos matamaan ng bala sa likod habang nagbabantay sa ginagawang programa sa kanilang covered court Huwebes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Fausto Castillon, 58.

Ayon sa kasamahang barangay tanod na si Hasel Sugay-od, kasama nilang nagbabantay sa ginagawang amateur singing contest sa kanilang lugar ang mga miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na naka-base sa Barangay Tumpagon sa Cagayan de Oro.

“Lasing ang suspek na CAFGU at bigla na lamang siyang nagpaputok sa kaniyang armas,” sabi ni Sugay-od.

Sa imbestigasyon naman ng pulis, sinubukang sitahin ni Castillon ang suspek dahil naka-duty siya nang nakainom.

“Ayon sa mga nakakita, matapos sitahin ng biktima ang suspek, binaril na lamang ang biktima,” sabi ni S/Insp Dennis Flores, hepe ng pulisya ng Opol.

Narekober sa lugar ang 5 basyo ng bala ng M16 rifle na service firearm ng suspek.

Dinala ng pamilya sa ospital sa Cagayan de Oro ang biktima pero binawian din ng buhay.

Sa army detachment na nahuli ng mga pulis ang suspek. Pero giit niya, hindi siya lasing ng gabing iyon.

“Bigla na lamang akong sinuntok ng isang lasing na residente at sinubukan pa akong saksakin ng kutsilyo. Tinangka niyang agawin ang aking armas kaya aksidente ko itong nakalabit at natamaan ang aking kaibigan na tanod,” depensa ng suspek.

Sasampahan ng kasong murder ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.