SAPUL SA DASHCAM: Lalaking may dalang malaking halaga ng pera, pinagbabaril

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Viral sa Facebook ang malapitang kuha ng dashcam nang mangyari ang pag-ambush sa isang courier ng brokerage firm sa Binondo, Maynila, kung saan nakita ang aktuwal na pamamaril sa biktima.

Nasapul ng dashcam ang paghabol at pagbaril ng 4 na lalaking sakay ng 2 motorsiklo sa isa ring lalaking naka-motor sa kahabaan ng Escolta.

Kinilala ang lalaking binaril na si Ferdinand Caballe, courier ng isang brokerage firm sa Binondo.

Sa kuha naman ng CCTV, makikita ang pagharang ng 2 lalaki sa biktima, na tumakbo ngunit nahabol at pinagbabaril hanggang mamatay. 

Pagbagsak ng courier ay saka kinuha ng mga lalaki ang orange na bag niya.

Nakaresponde agad ang mga pulis na nasa kalapit lang na presinto.

Hinabol nila ang mga salarin at binaril kaya't naiwan ng mga ito ang isa sa mga motorsiklo pati ang isang ginamit na baril.

Sa isa pang anggulo ng CCTV, nakuhanan ang pagtakas ng 3 sa mga salarin, ang 1 halos nakaladkad sa pagkakakapit sa motorsiklo.

Ang pang-apat na salarin, nagtanggal ng helmet at tumakbo papuntang Sta. Cruz, Maynila. 

Ayon sa Binondo Police, pagnanakaw ang nakikita nilang motibo ng mga salarin lalo't nakita rin sa bulsa nito ang mahigit P200,000 pera, bukod pa sa laman ng ninakaw na bag.

Tumangging makipag-usap sa media ang pamilya ni Caballe. Tumanggi ring magbigay ng detalye ang kumpanyang pinagtatrabahuhan nito. 

Patuloy na inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.