Presyo ng durian sa Davao, triple na; kulang na supply isinisi sa klima

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 04:41 PM | Updated as of Mar 16 2018 04:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umarangkada na ang pagdiriwang ng Araw ng Dabaw at kasabay nito ang paglalatag ng mga ipinagmamalaking prutas ng lugar, partikular ang durian.

    
Pero dahil sa ilang masamang panahon na dumaan sa Davao, nag-aalala ang fruit vendors na posibleng kulangin ang kanilang supply nito.

Sabi ng vendor na si Rey Momo, noong isang taon pa bumaba ang supply ng durian dahil sa epekto ng hindi magandang klima.

"Kulang talaga ang supply ngayon dahil minsan mainit, minsan maulan kaya nahuhulog ang mga bulaklak, hindi makapamunga. Baka sa August o September pa dumami ang supply," paliwanag ni Momo.

Dahil sa kakulangan ng supply, tumaas din ang presyo ng durian ngayon.
    
Ang P40 lamang sana kada kilo kapag "in season," ngayon ay umaabot na sa P150/kilo.

Pero ayos lang daw ito para sa mga mahilig sa durian.
    
"Iba kasi ang lasa ng durian dito sa Davao kaya kumakain talaga ako nito tuwing bumibisita ako rito," ayon kay Nur Asia Adjawis, isang turista mula sa Zamboanga City. 

Umaasa ngayon ang durian vendors at durian growers na makababawi sila sa produksyon ng durian ngayong taon.
    
--Ulat ni Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.