'No. 1 most wanted' sa Sipalay, patay; 2 pulis, sugatan sa operasyon

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 03:44 AM | Updated as of Mar 16 2018 06:11 AM

Patay ang itinuturing na no. 1 most wanted ng Sipalay City sa Negros Occidental matapos umanong manlaban sa mga pulis nitong Huwebes.

Kinilala ang nasawi na si Emerson Antepaso Jr. na wanted sa kasong murder.

Nasugatan naman ang 2 pulis na sina PO3 Joy Pabera at PO2 Armando Arsenal.

Ayon kay Chief Insp. Nazer Canja ng Sipalay City police, nagserve ng arrest warrant ang kaniyang mga tauhan laban kay Antepaso sa Barangay Manlocahoc.

Nagpaputok umano ang suspek gamit ang isang homemade shotgun at nauwi ito sa engkuwentro.

Nagtamo ng tama ng bala sa braso at dibdib si Pabera habang si Arsenal ay nasugatan sa kaniyang ulo.

Binigyan naman si Pabera ng Medalya ng Sugatang Magiting ni Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag, director ng Police Regional Office 6.

Paparangalan din si Arsenal sa pinakita nitong katapangan sa operasyon. - ulat ni Barbara Mijares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.