Mekaniko na umano'y tulak ng droga, arestado

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 08:10 AM | Updated as of Nov 29 2018 08:03 AM

BATAC CITY, Ilocos Norte - Inaresto ang isang mekaniko matapos itong mahuling nagbebenta ng shabu sa Barangay Acosta, Huwebes.

Sa isinagawang buy-bust operation ng Provincial Drug Enforcement Unit, nahuli si alyas ‘Roy’ sa harap ng kaniyang apartment matapos magbenta ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000 sa isang police asset.

Bukod sa ibinenta niyang iligal na droga, nakuha rin sa sling bag ng suspek ang 8 sachet ng hinihinalang shabu.

Narekober din mula sa suspek ang pera na aabot sa P170,000 at isang nakakasang kalibre 45 at 15 bala.

Inamin ng suspek na sa kanya ang mga bala’t baril, ngunit itinanggi niya na sa kaniya ang mga sachet ng shabu.

"Hinawakan kami agad, kinapa 'yung loob ng bulsa ko, at 'yun may mga items na," sabi ng suspek.

Iginiit ng suspek na ang pera na nakuha mula sa kaniya ay hindi kita sa pagtutulak ng droga, ngunit pambayad raw niya sa mga inorder na parte ng motor sa isang online shopping site.

Inakusahan din ng suspek ang mga pulis na binugbog siya at ang kaniyang kasama na nagpapaayos ng kaniyang motorsiklo.

Itinanggi naman ng mga pulis ang mga paratang ng suspek at sinabing normal na raw na depensa ito ng kanilang mga nahuhuli.

Isang drug surrenderer at nasa street level target list ng lungsod ang suspek.

Haharap siya sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.