Estudyante, sinaksak ng dating kaalitan

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 04:46 PM

Inoobserbahan pa ngayon sa pagamutan ang Grade 12 na estudyanteng dalawang beses sinaksak ng dating kaaway, Marso 16, 2018 sa Ilocos Norte. Photo courtesy of Dingras, Ilocos Norte Police

DINGRAS, Ilocos Norte – Sugatan ang isang Grade 12 na estudyante matapos na saksakin ng dating nakaalitan nito, Huwebes ng gabi sa Barangay Madamba.

Inoobserbahan pa ngayon sa pagamutan ang 21-anyos na lalaki matapos na sumailalim sa operasyon nang masaksak sa tagiliran at mukha ng 20-anyos na suspek.

Maging ang 18-anyos na nobya ng biktima ay di rin pinatawad at sinapak ng suspek nang umawat.

Ayon sa imbestigasyon, naglalakad ang biktima at nobya nito nang masalubong nila ang suspek.

Sinabi naman ng mga nakasaksi sa insidente na sinisigawan ng suspek ang biktima pero di niya ito pinansin kaya inundayan siya ng saksak.

Dating away ang nakikitang motibo ng awtoridad.

Pinaghahanap pa ng pulisya ang suspek na agad tumakas matapos ang pananaksak.

Mahaharap siya sa kasong serious physical injury. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.