DRONE VIDEO: 15 bahay natupok sa Iligan City

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 01:32 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuha ng Iligan local government

ILIGAN CITY - Natupok ang 15 bahay sa Zone-9, Barangay Bagong Silang dito nitong Huwebes ng umaga.

Kita sa drone video ng lokal na gobyerno ng Iligan ang makapal na usok galing sa mga nasusunog na bahay at ang mga bomberong umaapula sa apoy.

Labinlimang bahay ang naabo habang apat ang bahagyang nadamay sa sunog na umabot sa ikatlong alarma.

Ayon kay Maria Fe Tayros, sa ikalawang palapag ng kanilang bahay nagsimula ang sunog.

"Sabi ng anak at pinsan ko nag-spark ang wire sa bahay namin tapos bigla ng sumiklab ang apoy at kumalat," aniya.

Nasa 29 pamilya o 149 na indibidwal ang apektado ng sunog. Pansamantalang nakatira ang ilan sa barangay gym.

"Maliban sa relief goods nabigyan na sila ng mga gamit gaya ng kaldero, kumot, hygiene kit at banig," ani Carmelita Sara, camp manager ng Bagong Silang Evacuation Center.

Patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog na aabot sa P400,000 ang structural damage.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.