Babaeng umano'y bumibili ng mga nakaw na motor, tiklo sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 05:21 PM | Updated as of Nov 30 2018 12:57 PM

Arestado ang isang babae na umano'y bumibili ng mga nakaw na motor sa Caloocan City.

Sa bisa ng search warrant, pinasok ng mga tauhan ng Caloocan Anti-Carnapping Unit ang Dimples Surplus Motorshop sa Barangay 21 at kinumpiska ang iba’t-ibang spare parts, accessories, at makina ng motorsiklo. 

Dinampot ng mga awtoridad ang nagpapatakbo ng shop matapos makita na expired ang business permit ng tindahan.

Bigo rin ang may-ari na magpakita ng papeles o permit mula sa Land Transportation Office.

Hindi rin nakapagpakita ang suspek ng mga deed of sale para sa mga ibinebenta niyang motorsiklo.

Ayon sa pulisya, bagsakan umano ng mga pinapakatay na mga nakaw na motorsiklo ang shop ng suspek.

Aminado ang suspek na bumibili siya ng mga secondhand na parte ng motor, ngunit iginiit na hindi nakaw ang mga ito.

Depensa pa niya, hindi umano siya nakakakuha ng permit dahil sa maliit lang ang kinikita sa tindahan. 

Aabot sa halos P100,000 ang halaga ng mga nakumpiskang piyesa ng motorsiklo mula sa naturang tindahan.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 1088 o Anti-Carnapping Act.

Datos ng mga krimen gamit ang motorsiklo

Madalas na gamiting "getaway vehicle" ng mga kawatan ang mga motorsiklo.

Sa tala ng Caloocan Police, noong nakaraang taon ay aabot sa 132 ang kaso ng motornapping, habang nasa 56 naman ang bilang ng krimen na gamit ang motorsiklo.

Mula 2017 hanggang 2018, pinakamataas pa rin ang mga kaso ng pananakit at pagpatay na kinasasangkutan ng mga riding-in-tandem.

Ayon kay Police Senior Superintendent Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan Police, target ng mga kriminal ang mga motorsiklo dahil madaling kuhanin, gamitin, at ibenta ang mga ito.

Nagdagdag na ng checkpoints ang pulisya at mas naghigpit sa isinasagawang "Oplan Sita" sa Caloocan.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.