Albayalde, nag-surprise inspection; 41 pulis-Maynila, nadiskubreng AWOL

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 09:35 PM | Updated as of Jan 24 2020 05:09 PM

Watch more in iWantTFC

Nagsagawa ng surprise general inspection ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Manila Police District (MPD) Biyernes ng umaga.    

Biglaang tinipon ang halos 5,000 tauhan ng Manila Police sa Quirino Grandstand para sa isang sorpresang inspeksyon.
    
Layon nito na masigurong pumapasok sa trabaho ang lahat ng mga pulis ng MPD sa harap ng patong-patong na reklamo laban sa mga nakadestino dito.
    
Pinangunahan mismo ni NCRPO chief Oscar Albayalde ang pag-check ng attendance at random drug tests.
    
Hinamon niya ang mga pasaway na pulis na magbitiw na lang sa serbisyo kung di kayang sumunod sa panuntunan ng Philippine National Police (PNP).

"Even with the slight offense, mapa-wala kang helmet, mapa-improper ang uniform mo, mahuli kang nagte-text, mahuli kang tulog, I will assure you, sususpindihin namin kayo," ani Albayalde sa mga pulis.

Nadiskubre ng MPD na maraming pulis ang AWOL o absent without leave sa trabaho.

"Meron na pong 41 na MPD personnel ang nakita natin na hindi na nagre-report sa trabaho, ito 'yung mga allegedly ay nag 15/30 or those who went abroad without official travel authority," ani Chief Supt. Joel Coronel, hepe ng MPD

Bibigyan ng dalawang araw ang mga nasabing pulis para magpaliwanag bago sampahan ng kasong administratibo.
    
Sumalang din sa random drug testing ang mga opisyal ng NCRPO at lahat ng miyembro ng MPD Drug Enforcement Unit.

Isinagawa ang inspection para rin sa paghahanda sa nalalapit na Holy Week, kung saan naka full-alert ang NCRPO at walang bakasyon ang mga pulis.
    
--Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.