6 patay sa magkakahiwalay na drug ops sa North Cotabato

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 09:34 PM

Pinoproseso ng awtoridad ang isa sa mga lugar kung saan nagkasa ng anti-illegal drug operation sa North Cotabato. Anim ang nasawi habang 11 ang arestado sa magkakahiwalay na operasyon sa lungsod at walong bayan ng lalawigan, Marso 15, 2018. Photo courtesy of the North Cotabato Provincial Police Office.

COTABATO CITY – Anim ang patay habang 11 iba pa ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations ng pulisya sa isang lungsod at walong bayan ng North Cotabato nitong Huwebes.

Armado ng search warrant, naglunsad ang North Cotabato Police ng anti-illegal drug operations sa Kidapawan City at mga bayan ng Kabacan, Tulunan, Makilala, Antipas, President Roxas, M'lang, Midsayap, at Libungan.

“Marami pa rin droga na naglipana. We gave them strong warning if they won’t stop dealing with drugs, hindi kami titigil,” sabi ni North Cotabato Police spokesperson Bernard Tayong.

Anim na drug suspects ang nabaril at napatay matapos magpaputok umano sa operating teams na naghahain ng search warrants sa kani-kanilang mga lugar.

Mga baril, bala, granada at hinihinalang shabu ang ilan sa narekober ng awtoridad mula sa mga suspek.

Samantala, naaresto rin sa magkakahiwalay na operasyon ang 11 katao, kabilang na ang isang menor de edad.
 
Sa inisyal na tala ng awtoridad, tinatayang nasa 80 drug suspects na ang naaresto sa North Cotabato sa loob ng mahigit dalawang buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.