350 bayan, wala pang fire trucks: BFP

Aleta Nieva-Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 12:50 PM | Updated as of Mar 16 2018 01:40 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

MANILA - Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nasa 350 pang mga bayan sa buong bansa ang walang fire trucks.

Ayon kay BFP Director Leonardo Bañago, kanilang tututukan ang pagbibigay ng fire trucks sakaling maaprubahan ang kasalukuyang procurement process nila.

"Yun po ang ating priority na lalagyan ng fire trucks na mabibili natin," sabi ni Bañago sa panayam sa DZMM, Biyernes ng umaga.

Inaasahan nilang makabili ng nasa 126 units na fire trucks.

"Kung maging successful ang ating procurement, ‘yan po ang ini-expect made-deliver," sabi niya.

Banggit ni Bañago na ang kailangang fire trucks sa bansa ay 3,606 pero 2,780 pa lamang ang mayroon sa kasalukuyan.

"May standard kaming ginagamit na 1 fire truck for every 28,000 population," paliwanag niya.

Hinggil naman sa personnel, ang standard na ginagamit nila ay 14 kada isang fire truck.

Sa 24,095 na personnel na naka-deploy sa buong bansa, 85% sa kanila ay nasa operations/suppression habang 15% naman ang nasa administrative work.

"Dapat mayroon tayong 39,000 (personnel) sa suppression pa lang po 'yun. 'Di pa po kasama ‘yung mga inspector na kailangan natin na nagko-conduct ng inspection sa mga building, mga investigator natin at saka lecturers," sabi niya.

Dahil sa di pa sapat ang bilang ng personnel ng BFP, maraming mga munisipyo rin ang wala pang fire station.

"Ang ginagawa natin sa mga bayan na wala pang established na fire station, naglalagay tayo ng fire prevention officer na nagma-manage ng fire safety program sa mga bayan-bayan," sabi niya.

Samantala, pangarap din ni Bañago na magkaroon ang BFP ng mas makabagong firefighting equipment tulad ng aerial fire ladder truck ng Makati City na aabot ng 18th floor.

"'Yun din po ang pangarap natin sa ating modernization na makabili ng mga ganung klaseng equipment," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.