3 aksidente, naitala sa QC

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 05:46 AM | Updated as of Nov 28 2018 05:18 PM

Tatlong magkahiwalay na aksidente ang naitala sa Quezon City Biyernes ng madaling-araw.

Sa Commonwealth Ave., sugatan ang isang rider matapos sumalpok ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa isang SUV.

Unang bumangga ang SUV sa concrete separator kaya tumigil ito sa daan.

Makalipas ang 15 minuto, tinamaan ito ng motorsiklo sa likuran.

Sa lakas ng pagkabangga, basag ang salamin ng SUV sa likod at sira rin ang motorsiklo.

Agad dinala sa ospital ang rider na nagtamo ng sugat sa iba't ibang parte ng katawan.

Sa Commonwealth Ave. pa rin, bumangga naman ang isang luxury vehicle sa barrier ng MRT-7 construction project.

Tumangging magpabigay ng pahayag ng drayber pero nabanggit niya na nakaidlip siya.

Samantala, tumagilid ang isang kotse matapos bumangga sa center island sa East Ave. Tumakas umano ang drayber at kaniyang pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.