11 kabataan nahuli sa pot session sa Sampaloc

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 08:04 AM

Arestado ang 11 kabataan, kabilang ang 8 menor de edad, matapos umanong mahuli sa isang pot session sa Sampaloc, Maynila Huwebes ng gabi.

Ayon kay Senior Insp. Pidencio Saballo Jr. ng Sampaloc police, namonitor ng mga pulis sa CCTV ng barangay ang kahina-hinalang kilos ng mga kabataan na nagkukumpulan sa isang footbridge sa Lacson Avenue corner Guevarra Street.

Nang akyatin ng mga pulis, nakaamoy sila ng marijuana. Pagkakita sa mga kabataan, nagpulusan ang mga ito base na rin sa nakita sa CCTV.

Umamin naman ang ilan sa mga kabataan na gumagamit sila ng marijuana ngunit sinabing nadamay lang sila sa mga nahuli dahil nakatambay sila sa footbridge.

Narekober sa kanila ang isang sachet ng hinihinalang marijuana, 2 pipe na umano'y naglalaman ng marijuana, at drug paraphernalia.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang 3 nahuli na nasa hustong gulang.

Itu-turnover naman pansamantala sa Department of Social Welfare and Development ang 8 menor de edad na nasa 12-anyos hanggang 17-anyos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.