PANOORIN: Mga pulis-GenSan, sumalang sa training kontra carnap

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2017 10:07 PM

Video by Giesaril Chai Tabunaway, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS CITY – Sumailalim sa 5 araw na training ang General Santos City Police para mas mapalakas ang kanilang kakayahang tumugis ng mga kriminal, lalo na ng mga carnapper.

Kasama sa kanilang training ang pagmamaniobra ng motorsiklo, na may sakay na back-up rider at wala, at pagsalang sa obstacle course upang mahasa ang kanilang kakayahang magbalanse ng sasakyan, ligtas na mag-overtake ng ibang sasakyan, at dumaan sa makikipot na kalye.

Sinanay rin ang mga pulis na magsakay ng sibilyan sa kanilang mga motorsiklo. Posible raw kasi itong mangyari, lalo na kung kinakailangang ituro ng biktima ng krimen ang direksyon kung saan tumakas ang suspek.

Ayon kay Chief Insp. Daniel Deuda, deputy chief ng PNP Regional Highway Patrol Unit 12, dapat lang na sanay sa motorsiklo ang mga pulis, dahil maaaring tumaas umano ang bilang ng kaso ng carnapping at robbery, ngayong muling inilunsad ang giyera kontra droga.

Siniguro naman ni Deuda na hindi gagamitin ng motor cops ang kanilang posisyon para mangikil sa mga motorista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.