Dating barangay tanod, pinagbabaril sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2017 12:20 PM

Sa ospital na binawian ng buhay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang riding in tandem sa Baltazar Street, Barangay 82, Zone 7 sa Tondo, Manila pasado alas-tres ng madaling araw ng Huwebes.

Nasa kanyang bahay ang biktimang si Arturo Fajardo, alias Boy Lobo, dating barangay tanod, nang siya ay pagbabarilin.

Ayon sa kapatid nitong tumanggi nang magpa-interview, natutulog ang biktima nang lapitan ng mga gunmen at ilang ulit na pagbabarilin. Apat na tama sa kanyang dibdib ang ikinamatay niya.

Base sa CCTV ng barangay, nakasakay ang dalawang gunmen sa dilaw na motorsiklo at parehong nakasuot ng itim na jacket na may hoodie. Binagtas nila ang Velasquez Street. Hindi malinaw ang plaka ng motorsiklo. Sa ibang anggulo pa ng CCTV makikitang lumiko ang mga suspek sa Baltazar Street pero hindi nahagip ng camera ang aktwal na pamamaril.

Agad namang nakatakas ang gunmen at lumusot ng Yangco Street. Tumangging magbigay ng pahayag sa media ang iba pang kamag-anak ng biktima dahil sa labis na pagkakagulat sa pangyayari.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.