MAYNILA — Inaresto ng mga pulis ang isang 26-anyos na lalaki na matagal na umanong wanted dahil sa patong-patong na kaso ng robbery at theft makaraang manghablot ng bag sa Barangay Maharlika, Quezon City.
Pauwi na ang babaeng biktima na galing sa simbahan nang agawin umano ng suspek na nagmamaneho ng itim na motorsiklo ang kaniyang bag.
Agad sumigaw ng saklolo ang babae. Hinabol naman ang suspek ng mga pulis na noon ay nagsasagawa ng surveillance operation sa lugar.
Naabutan nila ang suspek sa kanto ng Mayon at Apo Street at nabawi sa kanya ang itim na sling bag ng biktima na naglalaman ng P200, mga ID, at debit card.
Nakumpiska rin umano sa suspek ang isang granada.
Kinilala ni La Loma Police Station Commander LtCol. Romil Avenido ang suspek bilang si Resty Orpia.
Napag-alaman ng mga awtoridad na may mga kaso na rin ng pagnanakaw ang suspek sa Quezon City, Maynila at Caloocan. Nakaw din umano ang motor na ginagamit nito.
Aminado naman ang suspek sa krimen.
Aniya, "Sa hirap ng buhay, walang gusto tumanggap sa 'min sa trabaho kaya namin nagagawa. Marami na ko sinubukan apply-an ng trabaho... Di sapat kita namin kaya nagawa 'yun."
Ayon kay Avenido, nakalaya umano ang suspek matapos mapiyansa sa mga kaso.
Bukod sa panibagong reklamo ng robbery, nahaharap din ito sa reklamong illegal possession of firearms and explosives.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.