TFC News

Thai governors tutulong sa mga Pinoy na biktima ng trafficking

Annalyn 'Apol' Mabini | TFC News Thailand

Posted at Mar 15 2023 12:51 PM

BANGKOK, THAILAND - Tiniyak ng dalawang Thai governors kay Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz Paredes na tutulong sila sa mga Pilipinong biktima ng human trafficking. Bumisita si Amb. Paredes kina Governor Wanchai Kongkasame ng Udon Thani at Governor Suwit Chanhaworn ng Nong Bua Lam Phu noong March 3, 2023. Bahagi ito ng opisyal na pagbisita ng opisyal sa northeastern region ng Isan. 

Thailand
PH Ambassador to Thailand Millicent Cruz Paredes kasama ang Udon Thani Provincial Government Officials (Udon Thani Provincial Government official photo)

Dagdag pa ng Department of Foreign Affairs o DFA, nakipagkita si Amb. Paredes sa Filipino community sa Udon Thani partikular sa Palarong Pinoy 2023 kung saan nagtipon-tipon ang mga kababayang naninirahan sa northeast ng Thailand, nakiisa rin si Paredes sa programa ng Embahada sa Thailand patungkol sa kampanya laban sa mga kaso ng trafficking in persons sa Mekong Region, at lumahok sa Consular Outreach Mission sa mga Pilipino sa Isan. 

Pinasalamatan ni Paredes si Udon Thani Governor Wanchai Kongkasame at ang mga mamamayan ng probinsiya sa ngalan ng mahigit isang libong Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Isan sa mabuting pakikitungo sa mga kababayan. 

Ayon pa sa DFA, karamihan sa mga Pilipino sa nasabing probinsya ay nagtatrabaho bilang mga guro ng wikang Ingles sa mga pampublikong paaralan. Katibayan din ng matibay na people-to-people ties sa pagitan ng Pilipinas at Thailand ang 2022 Memorandum of Understanding sa pagitan ng Rajabhat University ng Udon Thani Thailand at Don Mariano Marcos Memorial State University ng La Union sa ‘Pinas. 

Thailand
(left) Si Amb. Paredes kasama si Nong Bua Lam Phu Governor Suwit Chanhaworn (right)

Ipinahayag naman ni Nong Bua Lam Phu Governor Suwit Chanhaworn kay Ambassador Paredes ang suporta ng kanyang probinsya sa mga kababayang nagtatrabaho at naninirahan doon at ipagbibigay alam sa Embahada ng Pilipinas kung sakaling masangkot ang sinumang kababayan sa anumang kaso ng trafficking in persons.