PatrolPH

Matinding trapik naranasan sa Baytown Road bunsod ng stop-and-go scheme

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2023 06:28 AM

MAYNILA - Bumagal ang daloy ng trapiko sa Baytown Road sa Angono, Rizal dahil sa implementasyon ng stop and go traffic scheme dito.

Ito’y dahil ikalawang araw na ng road construction dito kaya naman iisang lane lang ang nagagamit ng mga motorista.

Ang Baytown Road ang shortcut ng mga taga-Rizal upang makapunta sa C-6 Road at Manggahan-Floodway para sa mga papasok ng Pasig City at Makati City.

Dalawang alternatibong ruta ang inirekomenda ni Rizal Governor Nini Ynares sa mga motorista para hindi maantala ang biyahe at ma-late sa eskuwela o opisina. 

Una ay ang Manila East Road, at pangalawa ang Velasquez St. Villa Muzon sa Taytay, Rizal.

Pinupuntirya na matapos ang proyekto sa darating na Lunes, Marso 20 na ayon kay Ynares ay “mapakikinabangan ng lahat ang mas maayos at mas malawak na kalsada.”

Maaliwalas naman ang panahon at kumpleto sa road signages at traffic enforcers ang masukal na daan para maibsan ang tila abala sa mga motorista. - Ulat ni Champ de Lunas, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.