Family starts wake for 4 passengers of ill-fated Cessna 206 in Silang, Cavite. Michael Joe Delizo, ABS-CBN News
CAVITE — Sinimulan na nitong Miyerkoles ang burol para sa 4 sa 6 na nasawi sa bumagsak na Cessna 206 plane sa Isabela noong Enero 24.
Bandang alas-6 ng umaga nang ihatid ang mga labi sa pamilya sa Silang, Cavite.
Ito ang labi ng magkapatid na sina Mark Eiron Siguerra, 20, at Xam Siguerra, 10; ang pinsan nilang si Rom Joshtle Manaday, 15; at tiyuhin na si Val Kamatoy, 34.
Bagaman higit isang buwan na aniya siyang nagdadalamhati para sa kaniyang mga anak, matinding sakit pa rin ang nararamdaman ni Anna May Kamatoy, ina ng magkapatid na nasawi.
“Noon, hopeful pa ako. Pero ngayon, ito na talaga ‘yung reality na talagang wala na pala talaga sila. Kaya mas masakit sa akin ang katotohanan.”
“’Yung puso mo na alam mong wala nang lunas, na butas na siya habang nabubuhay ako kasi wala sila. Ang hirap kasi dalawa [silang nawala],” sabi ni Anna.
Hindi pa umano magawa ni Anna na lumapit sa kabaong ng mga anak dahil hindi pa nito matanggap ang nangyari.
“Iniisip ko na lang lagi na darating din ang panahon [na] magkikita-kita kami, nasa abroad lang sila. Parang ganon na lang lagi kong iniisip. Kasi kung hindi ko iisipin ‘yun, baka mag-break na ako... Hindi ako nabubuhay sa reality ngayon. Gusto ko lang isipin na andyan lang sila, uuwi sila sa akin," ani Anna.
Mabigat din para sa mga kaanak ng mga biktima na apat sa kanilang mahal sa buhay ang magkakasabay na nasawi.
“Pinakakalma ako ng asawa ko kasi po nahihirapan ako. Hindi ko po malaman ang gagawin ko sa mga batang 'yan, sa awa ko sa kanila,” ayon kay Sofio Kamatoy, Jr.
Emosyonal din ang mga guro at kamag-aral ni Xam nang bumisita ang mga ito sa burol.
“Ako po ‘yung Math teacher niya. Every time na hindi niya maintindihan ‘yung topic, lalapit siya, ‘Teacher!’ Ganyan. ‘Paano ito, teacher?’ Masakit din po,” ani Ela Vargas.
Dumalaw rin si Silang Mayor Kevin Anarna sa burol.
Empleyado ng munisipyo si Anna May at ang nasawing si Val.
Nagbigay ng tig-P100,000 ang lokal na pamahalaan sa bawat biktima ng plane crash.
“Nandito naman ‘yung pamahalaan bayan, handang tumulong... Sa Isabela po kasi, saka sa CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines), pino-proseso pa po ['yung ayuda]. Sa amin po, pagkadating [ibinigay na namin]. Kailangan po kasi para mahukay na po ‘yung paglilibingan,” ayon sa alkalde.
Nanawagan si Silang, Cavite Municipal Administrator Nathaniel Anarna Jr. sa pamunuan ng Cessna na "sana naman tulungan nila ng lubusan ang pamilya ni Anna May."
Sa ngayon ay inaayos ang schedule ng libing sa Manila Memorial Park Dasmariñas.
“Napakalaking tinik po ‘yung nabunot kasi namo-mroblema na nga ako dahil patay ‘yung pamilya ko, pati ba naman itong pagpapalibing, mamo-mroblema ako,” sabi ni Anna.
Nauna nang nangako ang provincial government ng Isabela ng ayudang P250,000 kada biktima.
Giit ng kampo ng operator, ginawa nila ang lahat para matulungan ang pamilya ng mga sakay ng eroplano at kasama na rito ang pagbiyahe nila papuntang Isabela at tutuluyan habang hinintay ang pagrekober sa eroplano na tumagal ng 44 araw.
Sabi ni Atty. Gilbert Bautista, HML legal counsel, sisikapin nilang makapag-abot ng dagdag na tulong sa mga pamilya.
“On all the fair treatment na they expect, naibigay, except for this, for the sole reason na nag-meet kami the other night, hindi ko napa-approve and hindi ko ma-convene ulit for purposes of approval, but I’ll try,” sabi ni Bautista sa panayam sa telepono.
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.