MAYNILA -- Nasermonan ng mga senador ang hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa umano'y 30-porsiyento ng nare-rekober na iligal na droga na ibinibigay sa mga asset at informant.
Sa pagdinig, ikinuwento ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo kung paano niya nalaman ang 30-porsiyentong cut na hinihingi ng informant.
Aniya, personal niyang nalaman ang umano'y kalakaran matapos makausap nang personal ang mga informant na humihingi ng kanilang "kubra" ng mga mare-rekober na droga.
"Ang offer nila is magta-trabaho sila sa PDEA and in exchange ang sabi nila kabayaran nila ay 30-percent of the confiscated drugs," ani Lazo.
"Nagkaharap-harap kami. Ikinuwento nila... 'yun daw ang kalakaran na pati rin daw sa 'kabila.' Tinanong ko 'what do you mean pati sa kabila' and they were referring to the Philippine National Police (PNP)... I said I will not allow that and [they] will only be entitled to monetary reward corresponding to [their] accomplishment," pagpapatuloy ni Lazo.
Nang tanungin nina Sen. Ronald Dela Rosa at Sen. Raffy Tulfo si Lazo kung handa ba ang informant na tukuyin ang mga nasa likod ng kalakaran na ito, sumagot ang hepe ng PDEA na hindi ito sumagi sa isip niya na itanong.
"Hindi mo siya tinanong kung pwede ba siyang maging whistleblower para gamitin natin siyang witness? Kung nilalaro ka lang niyan... dapat sinabi mo gawin kitang whistleblower at implicate mo lahat ng ginagawa 'yang kalakalan na 'yan, para magtino kasamahan natin na gumagawa niyan," ani Dela Rosa.
Para kay Tulfo, maaaring nagsasabi ng totoo ang informant dahil hindi naman umano ito lalapit kay Lazo kung gawa-gawa lang ang impormasyon na sinabi nito.
"Hindi 'yan ginawa-gawa ng lumapit kay Lazo. Bago kayo naging [hepe ng PDEA], 'yung previous administration ginagawa na 'yun kaya nga pinupuntahan ka para magpresinta ng kanilang offer sa'yo," ani Tulfo.
"Ang pagkakamali mo lang, nandoon ka na—kaharap mo na siya face-to-face hindi mo man lang tinanong," dagdag ni Tulfo.
Humarap din sa pagdining si Wilkins Villanueva, dating hepe ng PDEA, at iginiit niyang walang ganitong kalakaran sa kanilang pamumuno sa ahensiya.
Ayon kay Villanueva, "basurero ng droga" ang lumapit na informant kay Lazo at maaaring naghahanap lang ito ng "maibabasurang droga" sa mga influenced barangay.
"Ang nangyayari kasi, dahil bago, may walk-in informants. During my time, I discourage the use of walk-in informants. Dapat ang anti-drug operation should be intelligence-based. 'Yung pinaghihirapan ng ahente. 'Yung lumapit sa'yo, I assure you, basurero ng droga 'yan... Ibig sabihin kukuha ka — malaking seizure yung 30 percent [at] ilalagay mo sa influenced barangay," ani Villanueva.
Si dating PDEA head Aaron Aquino na nanungkulan mula Setyembre 2017 hanggang Mayo 2020, sinabing masakit at nakagagalit ang ibinabatong isyu sa PDEA, at aniya'y poposasan ang informant dahil ang "lakas ng loob" nitong mag-offer ng 30-porsiyentong kubra.
Itinanggi rin ni Isidro Lapeña, unang hepe ng PDEA noong administrasyong Duterte, na hindi nila ginagawa ang naturang kalakaran.
"Not under my watch... 'pag may raid, sumasama ako dyan. That's why we requested body cameras," ani Lapeña.
Umalma rin si PBGen. Romeo Caramat ukol sa mga akusasyon at sinabing hindi hahayaan ng PNP na magkaroon ng ganitong kalakaran sa loob ng pulisya.
Si Caramat ang acting director ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG.
Kasabay nito, inamin ni Caramat na may nag-offer sa kaniya ng naturang kalakaran sa pamamagitan ng kaniyang mga tauhan ngunit hindi umano nila ito tinanggap.
"May nag-offer sa akin [noon]... not directly to me but [to] my men... Hindi naman magkaka-idea itong mga asset na ito kung hindi nangyari noon," ayon kay Caramat.
KAUGNAY NA ULAT:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.