PatrolPH

Minimum wage earners pilit na pinagkakasya ang sahod

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2022 07:08 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Mag-isang binubuhay ni Lourdes De Juan ang 7 anak kaya bawat sentimo sa kaniyang minimum wage, pilit niyang sinisinop. 

Imbes na gumastos sa pamasahe tuwing papasok sa pinagtatrabahuhang coffee shop, matiyaga siyang naghihintay ng libreng sakay. 

"Ang hirap po talagang budget-in, mas lalo po pag ano marami ka pong anak… Mas lalo pag bayaran na rin ng kuryente atsaka tubig, hindi ko po alam kung pa'no po, pa'no mo hahagilapin ang lahat," ani De Juan. 

Matagal nang bagsak ang purchasing power ng minimum wage sa buong bansa, batay sa datos ng National Wages and Productivity Commission. 

Kung titingnan ang kanilang datos, wala na sa P500 ang tunay na halaga ng P537 na daily minimum wage sa Metro Manila. 

Pinakamaliit naman ang minimum wage sa Bicol Region, na nasa P266 ang halaga ng arawang minimum wage. 

Dahil dito, naglunsad ng online petition ang isang labor group para makakalap ng 1,000 pirma at mapuwersa ang regional wage boards na dinggin agad ang mga nakahain nang wage hike petitions sa Metro Manila, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon at Visayas. 

Isinusulong din ang pagpasa ng batas na nagtatakda ng P750 na minimum wage sa buong bansa.

May itinakda nang special session ang House Committee on Labor and Employment sa Huwebes para rito. 

Pero ayon sa Trade Union Congress of the Philippines, dapat pa ring kalampagin ang national government sa mga bagay na dapat sana ay inaksiyonan na nito. 

"It's a matter of government stepping in. They've done it before, they can do it again. 'Yung subsidiya and then 'yung excise tax. Panawagan namin one time, big time, act now. Wag naman sana ilang buwan pa. Because now, oras de peligro," ani TUCP party-list Rep. Raymond Mendoza. 

Nanawagan din ang mga government employee ng taas-sahod. Bagama't kasi nagpatupad na ng salary standardization noong Enero, nasa P12,517 pa rin ang sahod ng mga nasa Salary Grade 1. 

Hindi rin nabigyan ng umento ang mga job order at contract of service worker, maging ang ilang nagtatrabaho sa government owned at controlled corporations. 

"Masyadong mahirap na sa mga kawani ng gobyerno lalong lalo na po ang walang mga dagdag-sahod. Maliban po sa wala silang dagdag-sahod wala pa silang kasiguruhan sa trabaho kasi ang pinangako ni Duterte na 'endo,' na end-contractualization, ay hindi pa rin ipinapatupad hanggang sa ngayon," ani Confederation Courage President Santiago Dasmarinas. 

Umaasa ang mga manggagawa na kikilos pa rin ang kasalukuyang pamahalaan kahit ilang buwan na lang ang nalalabi sa termino. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.