Hindi bababa sa 1.4 million COVID-19 vaccine doses ang naibakuna sa pinalawig na National COVID Vaccination Drive Round 4 (NVD4), ayon sa datos ng National Vaccination Operations Center.
Hanggang Lunes, Marso 14, nasa 74 porsiyento pa lang ng NVD4 target na 1.8 million doses ang naibakuna.
Nalampasan ng Central Luzon, Zamboanga Peninsula, Metro Manila at Cagayan Valley ang targets nito para sa NVD4. Pinakamababa naman sa pag-abot ng target ang BARMM, MIMAROPA, at Bicol Region na wala pa sa kalahati.
Tatlong araw lang ang orihinal na schedule ng NVD4 na nagsimula noong March 10. Pero nasa 1.1 million lang ang nabakunahan hanggang March 12, kaya pinalawig ito.
Ngayon ang huling araw ng NVD4 para sa lahat ng eligible population. Magpapatuloy naman ang malawakang pagbabakuna ng senior citizens sa ilalim ng NVD4 hanggang Biyernes.
“Partly may reports din na nagkabaha-baha sa mga ibang lugar, dahil nagkaroon ng thunderstorms, nagkaroon ng mga ‘di inaasahang pag-uulan na malakas sa mga probinsya, sa mga syudad… ‘Yan din ang isa sa mga dahilan kaya medyo naging matumal o mababa ang ating NVD Round 4 coverage,” paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III.
“Complacency is another factor. Because when people got the information that the omicron is milder than delta, people were thinking it is not immediately needed,” dagdag niya.
“Pinagbigyan natin ang hiling ng ibang rehiyon, at ibang LGUs na ituloy ang kanilang bakunahan hanggang ngayong umaga, Tuesday, para sa general population. ‘Yung ating first doses, tapos ‘yung ating booster doses. Pero magre-restrategize sila ngayon at kahapon para mapaigting ‘yung A2. So ‘yung A2 ie-extend natin hanggang Biyernes para may special focus,” sabi naman ni NVOC Chairperson Usec. Myrna Cabotaje.
Ayon kay Cabotaje, posibleng wala nang Round 5 ang National COVID Vaccination Drive, at ang mga susunod na vaccination campaign ay mas tututok na sa mga lugar na kulang pa sa target na 70% ng populasyon ang nabakunahan.
“Baka hindi na tayo magkaroon ng National Vaccination Day. Mas focused na sa mga probinsyang kailangan ng tulong. Doon ibubuhos, hindi na parang general na lahat. Kasi ‘yung iba naman ay nakakataas na. May 70% coverage na ng kanilang fully vaccinated, pati ‘yung kanilang A2. So ang tututukan na lang natin yung iba’t ibang lugar, lalo na ‘yung syudad na hindi nakakamit ng kanilang parameters na fully vaccinated at least 70%,” paliwanag niya.
Base sa datos, nasa 64.5 milyong indibiwal na ang may kumpletong bakuna kontra COVID sa bansa, habang higit 11.1 million ang may booster o dagdag na dose.
Target ng gobyernong mabakunahan ang 70 million katao sa katapusan ng Marso. Umaasa si Cabotaje na kaya pa itong maabot sa nalalabing higit dalawang linggo.
“Sa palagay natin, maabot natin. Kaya nag-request ‘yung ating iba-ibang regions at local government units to continue vaccinating. Kung hindi man, eh 'di we will go by different areas. Kung sino ang mabilis magbakuna at kung sino ang kailangan magbakuna,” aniya.
SINOVAC FOR PEDIATRIC VACCINATION IN PH
Samantala, isinasapinal na ng Department of Health (DOH) ang guidelines para sa paggamit ng Sinovac COVID vaccine maging sa mga menor de edad na hindi bababa sa anim na taong gulang.
Ayon kay Cabotaje, kasama sa mga pinag-uusapan kung papayagan itong gamitin maging sa mga batang may comorbidities o sakit.
“Kailangan titingnan natin mabuti, kasi nasa EUA ng Sinovac ay for healthy individuals, for healthy children. So baka hindi kasama yung ating mga with comorbidities. ‘Yun ngayon ang pag-uusapan at fina-finalize natin, ‘yung guidelines, together with our experts,” aniya.
Dagdag ni Cabotaje, may sapat na supply ng naturang Chinese-developed COVID vaccine sa bansa para magamit sa eligible pediatric population.
“Ang gagamitin para sa pediatric, pareho lang po ng formulation ng para sa adult. ‘Di kagaya ng Pfizer na may reformulated, kasi spike protein ‘yan na concentrated. Dito sa Sinovac, kung ano ang dose at formulation sa adult, ‘yun din ang dose ng mga bata. So we do not need to buy additional Sinovac. We have enough on stock,” sabi niya.
DONATION
Hinggil naman sa COVID-19 vaccines na planong i-donate ng Pilipinas sa ibang bansa, kasama sa tinitingnan ay ang ilang supply ng Sputnik V at Moderna na malapit nang ma-expire.
“We may be looking at Moderna na mag-e-expire in 2 months. Marami pa naman tayong stock na hindi pa aabutin ng dalawang buwan ang expiry. So yun ang iiwan natin sa atin,” sabi ni Cabotaje.
-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.