Nagdaos ng 'tigil-palaot' nitong Marso 15, 2022 ang mga mangingisda sa Binangonan, Rizal bilang protesta sa tuloy-tuloy na pagmahal ng presyo ng produktong petrolyo.
Lunod na ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Binangonan, Rizal dahil sa taas ng presyo ng krudo at mga bilihin.
Kaya ngayong Martes, "tigil-palaot" muna sila kaysa malugi dahil sa big-time oil price hike, na aabot sa P13 kada litro ng diesel.
Higit 40 mangingisda ang lumahok sa tigil-palaot na pinangunahan ng grupong Pamalakaya sa Binangonan.
Nagkasa rin ng tigil-palaot ang mga apektadong mangingisda sa Cavite at Zambales.
Ayon kay Pamalakaya Spokesperson Ronnel Arambulo, posibleng masundan pa ito kung hindi mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng krudo.
Maaaring mabawasan nang hanggang 50 porsiyento ang supply ng isda sa bansa kung tuluyang maghanap ng ibang hanapbuhay ang mga mangingisda, sabi ni Arambulo.
May ilang mangingisda na aniyang tumatanggap ng trabaho sa construction o umeekstra sa pagtitinda.
Pati umano ang mga asawa ng mga mangingisda na dating kasama sa hanapbuhay ay namamasukan na rin sa pananahi, pagtitinda, o pagiging kasambahay.
"'Yong mga asawa po namin, pati sila, naghahanap-buhay na... imbes na nasa bahay, inaasikaso mga anak namin," kuwento ng mangingisdang si Norlito Lucso.
Binawasan na rin umano nila ang pagpapalaot, na dating 4 na beses sa 1 linggo.
Mula 6 hanggang 8 oras sa laot, tumatagal na lang sila ng 4 hanggang 7 oras.
Hindi na rin sila makalayo sa kabilang panig ng Laguna De Bay sa takot na maubusan ng krudo at hindi makabalik.
Hiling ng mga mangingisda, dagdagan ang fuel subsidy at tanggalin ang excise tax sa petrolyo.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, dinagdagan na ang fuel subsidy para sa mga mangingisda at corn farmers.
Nasa P1.1 billion na ang inaasahang maiabot sa 366,000 benepisyaryo.
Sa kabila ng tigil-palaot, nakiusap si Dar sa mga mangingisda na intindihin ang kinakaharap na problema hindi lang ng bansa kundi ng buong mundo.
"Nakiki-usap po ako na ipakita rin nila ‘yong concern nila sa mga kapwa-Pilipino kasi kung kukulangin tayo ng suplay ng isda, tataas pa ang presyo," anang kalihim.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.