PatrolPH

MRT-3 nag-sorry kasunod ng video ng mabilisang disinfection ng tren

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2021 06:28 PM | Updated as of Mar 15 2021 07:01 PM

MRT-3 nag-sorry kasunod ng video ng mabilisang disinfection ng tren 1

MAYNILA — Humingi ng paumanhin ang MRT-3 matapos makuhanan ng video ang tila minamadali at pahapyaw lang na paglilinis ng loob ng isang tren.

Nag-viral nitong weekend sa social media ang video na kuha sa North Avenue Station sa Quezon City, kung saan makikitang tila nakikipag-apir sa hand rails at dinaanan lang ang paglilinis ng tren ng 2 cleaning staff.

Maraming netizen ang nagalit at nabahala sa nakitang paraan ng paglilinis ng tren.

Ayon kay MRT-3 Director Michael Capati, suspendido na ang 2 tauhan at dadaan ulit sila sa training.

"Hindi naman natin nilalaro 'yang paglilinis ng facilities natin eh," ani Capati.

Ayon sa MRT-3, nililinis ang tren kada ikot sa mga dulong istasyon na North Avenue at Taft Avenue sa Pasay.

Watch more on iWantTFC

May paglilinis rin bago isampa ang tren sa linya at tuwing natatapos ang operating hours.

Dalawang beses nang nakaranas ng pagsipa ng bilang ng COVID-19 cases ang MRT-3 kaya ayon sa pamunuan nito ay sineseryoso nila ang usaping paglilinis.

Nasa 165,000 ang pasahero na sineserbisyuhan ng MRT-3 kada araw.

Nililimitahan pa rin ang bilang ng mga pasaherong napasasakay sa MRT-3 bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19.

Nagpaalala naman ang pamunuan ng tren na sumunod sa health protocols, lalo't tumataas pa ang bilang ng COVID-19 cases sa Metro Manila.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.