Mga taga-Calbayog nagdaos ng 'walk for peace' para sa pinaslang na mayor

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2021 07:58 PM

Watch more in iWantTFC
Nagdaos ng interfaith walk for peace noong Marso 14, 2021 ang mga tagasuporta ni Mayor Ronaldo Aquino, ang pinaslang na alkalde ng Calbayog City. Video mula kay Rigie Malinao

Tinatayang nasa 5,000 residente ng Calbayog City ang nagtipon-tipon nitong Linggo para sa interfaith walk for peace bilang panawagan ng hustisya para sa pinaslang na alkalde ng lungsod na si Ronaldo Aquino.

Dinala sa Calbayog City Sports Complex ang bangkay ng nasawing alkalde para sa public viewing.

Nakatakdang ilibing ngayong Marso 24 ang bangkay ni Mayor Aquino.

Opisyal na ring umupo bilang bagong alkalde ng Calbayog City ang bise alkalde na si Diego Rivera.

Namatay si Aquino sa pamamaril hapon ng Marso 8, kung saan nasangkot ang ilang pulis.

Ayon sa pulisya, engkuwentro ang nangyari sa pagitan ng kampo nina Aquino at mga awtoridad.

Pero kumbinsido ang kampo ni Aquino at si Samar Rep. Edgar Sarmiento na ambush ang nangyari.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

-- Ulat ni Sharon Evite

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.