Jire Carreon, ABS-CBN News/File
MAYNILA — Naniniwala ang OCTA Reseach Group na makatutulong ang pagpapatupad ng curfew at iba pang restriksyon sa Metro Manila at iba pang lugar sa gitna ng paglobo ng COVID-19 cases.
Sabi sa TeleRadyo ni Guido David, OCTA fellow, inaasahang bababa nang kaunti ang reproduction rate ng virus sa sisimulang curfew ngayong Lunes ng gabi, bukod pa sa localized lockdowns at mga ordinansa.
Pabor din ang OCTA sa pagpapatupad ng liquor ban at iba pang polisiya na pipigil sa pagtitipon ng mga tao.
"May konting inaasahan tayo na bababa naman nang konti ang reproduction number pag napatupad na ngayon ang curfew, limited hours," ani David.
"Ang inaasahan natin, mapabagal niya nang konti 'yung pandemic, 'yung pagkalat," dagdag niya.
Samantala, sinabi naman ng Manila Police District (MPD) na handa na nilang ipatupad ang curfew na papatak alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Ayon kay MPD chief Brig. Gen. Leo Francisco, ang mga lalabag sa Maynila ay dadalhin sa mga basketball court ng barangay at pag-eehersisyuhin.
Pero may kaakibat na aniyang multa kapag hindi nadala at muling mahuling lumalabag sa curfew.
Tanging mga "authorized persons outside residence" (APOR) at mga may medical emergency ang maaaring lumabas ng bahay sa oras ng curfew.
Iba pang exempted sa curfew:
1. Health workers na papasok o galing sa trabaho
2. Government workers na papasok o galing trabaho
3. Mga kawani ng food services at nagde-deliver ng essential goods
4. Mga nagtatrabaho sa mga punerarya
Sa hiwalay na panayam sa TeleRadyo, tiniyak naman ni National Capital Region Police Office chief Brig. Gen. Vicente Danao na paiiralin nila ang maximum tolerance sa pagpapatupad sa curfew.
"We will exercise maximum tolerance pa rin para naman mapagbigyan kasi yung iba baka di nila alam na effective tonight we'll be implementing a uniform curfew sa buong NCR. Ang ibang may katigasan ang ulo we will forewarn them pero may ibang di talaga siguro susunod baka yan ang mga huhulihin natin," sabi ni Danao.
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, curfew, unified curfew, pandemya, COVID-19, pandemic, restrictions, hanapbuhay, Metro Manila, Metro Manila mayors, OCTA, OCTA Research Group, MPD, NCRPO