11 porsiyento ng health workers nabakunahan na kontra COVID-19: DOH

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2021 06:38 PM | Updated as of Mar 15 2021 10:00 PM

Nabakunahan kontra COVID-19 noong Marso 6, 2021 si San Juan Medical Center Director Dr. Joseph Acosta. George Calvelo, ABS-CBN News

Halos 200,000 mula sa kabuuang 1.7 milyong health workers sa bansa ang nabakunahan na kontra COVID-19 sa loob ng 2 linggo mula nang umarangkada ang vaccination program ng gobyerno.

Ayon sa datos ng Department of Health, 193,492 health workers o higit 11 porsiyento ng kabuuang bilang ang naturukan na ng bakuna laban sa sakit.

Para mabakunahan ang lahat ng health workers, mangangailangan ang bansa ng 3.4 milyong vaccine doses.

Pero sa ngayon, 1.1 milyon pa lang ang nasa bansa, kung saan 90 porsiyento ang dinala na sa vaccination sites pati sa Batanas at Tawi-Tawi.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, limitado pa rin ang pandaigdigang suplay ng mga bakuna kontra COVID-19 kaya health workers muna ang inuuna.

Watch more in iWantTFC

Sa gitna ng puna ng ilan na mabagal ang COVID-19 vaccine rollout ng gobyerno, sinabi ni Galvez na "on track" o naaayon lang sa schedule ang pagpapatupad nito.

Kumpiyansa naman si Galvez na mababakunahan ang 70 porsiyento ng populasyon ngayong taon.

Inaasahang dadating ngayong Marso ang hindi bababa sa 1 milyong doses ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese company na Sinovac.

Samantala, nagkaubusan na ng paunang alokasyon ng COVID-19 sa ilang bahagi sa Metro Manila.

Humingi na sa Department of Health (DOH) ng dagdag na supply ng COVID-19 vaccines ang Navotas City, kung saan may higit 400 frontliners sa barangay health centers ang naghihintay ng bakuna.

Higit 300 tauhan ng Navotas City Hospital naman ang naturukan na.

Naantala rin nang 5 araw ang vaccine rollout sa Maynila dahil sa paghihintay ng dagdag na bakuna.

Ayon kay Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, nasa 3,500 o wala pa sa kalahati ang health workers nila na nabakunahan.

Sa Quezon City, patapos na ngayong Lunes ang pagbabakuna sa ilang local government hospitals.

Nakaktada namang ilunsad ngayong linggo ng Pilipinas ang COVID-19 vaccine tracker para ma-monitor ng publiko ang developments sa pagbabakuna kontra COVID-19.

Samantala, ayon sa AstraZeneca, matapos suriin ang safety data ng mga naturukan ng COVID-19 vaccine nito, walang ebidensiyang nagpapakitang pinataas ng kanilang bakuna ang blood clot risk sa mga nabakunahan.

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.