Tauhan ng CIDG-Manila na hinihinalang may COVID-19 pumanaw

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2020 03:45 PM

Pumanaw na ang isang pulis na hinihinalang nahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), sabi ngayong Linggo ng mga awtoridad.

Nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa lungsod ng Maynila ang naturang pulis, na binawian ng buhay noong gabi ng Sabado dahil sa respiratory failure, ayon sa ulat mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sa Martes, Marso 17, pa umano mailalabas ang resulta ng pag-test sa pulis sa COVID-19.

Bilang pag-iingat, inutusan ng Manila Police District ang lahat ng tauhan ng CIDG-Manila na manatili muna sa kanilang opisina para mag-quarantine habang hinihintay ang resulta ng test result, ayon sa NCRPO.

Maging ang mga tauhan umano ng CIDG-NCR sa Camp Crame, Quezon City ay mananatili muna sa kanilang opisina bilang pag-iingat.

Nakaranas ng severe cough o malalang pag-ubo ang pulis 3 buwan na ang nakalilipas, ayon sa NCRPO.

Noong Marso 4, inireklamo umano ng pulis ang pamamaga ng kaniyang tonsils. Kinabukasan ay nagpatingin siya sa FB Harrison Hospital sa Pasay.

Umuwi noong Marso 6 ang pulis, kasama ang kaniyang pamilya, sa Cavite. Pero kinabukasan, Marso 7, ay sinugod siya sa Divine Grace Hospital, kung saan na-diagnose siya ng lagnat at viral infection.

Bumalik ang pulis at kaniyang pamilya sa Maynila noong Marso 8. Kinabukasan ay dinala umano siya sa Adventist Medical Center Manila sa Pasay, kung saan siya na-diagnose ng tonsil infection at possible pneumonia.

Nanatili sa Adventist Medical Center Manila ang pulis hanggang sa pumanaw noong Sabado, sabi ng NCRPO.

Ika-cremate ang labi ng nasabing pulis sa Marso 20.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.