PatrolPH

Community quarantine sinimulan nang ipatupad sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2020 07:19 PM

Watch more on iWantTFC

Nagpakalat ng mga pulis sa mga checkpoint sa iba-ibang lugar sa loob at mga border ng Metro Manila alinsunod ng community quarantine, na ipinatupad bilang hakbang laban sa pagkalat ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).

Nagsimula saktong ng hatinggabi ang community quarantine, kung saan nilimitahan ang mga taong makakalabas at makakapasok ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan, gaya ng mga manggagawa, health worker, at mga awtorisadong opisyal ng pamahalaan.

Nilinaw naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Sinas na wala munang aarestuhin na mahuhuling lumalabag sa community quarantine.

Watch more on iWantTFC

Wala kasing puwedeng ikaso sa mga susunod sa quarantine at mga curfew na ipatutupad ng mga local government unit kaya sa ngayo’y babalaan lang muna ang mga motorista.

Humaba ang pila ng mga sasakyan sa kahabaan ng McArthur Highway sa boundary ng Malinta, Valenzuela at Meycuayan – isa sa mga malaking checkpoint na binabantayan ng mga pulis sa northern Metro Manila.

Kahit bumuhos ang ulan, hindi natinag ang mga tauhan ng NCRPO, Department of Health, at barangay health workers sa pag-thermal scan sa lahat ng mga motorista.

Ayon sa mga pulis at health worker, hanggang 5 beses nilang chine-check ang temperatura ng isang tao kapag lumagpas sa 37 degrees Celsius ang resulta.

Watch more on iWantTFC

Mabusisi rin ang pagsala sa mga motoristang dumadaan sa Susana Heights sa South Luzon Expressway at Muntinlupa City.

Inakyat din ng mga pulis ang mga bus para mag-inspeksiyon kung sumusunod sa mga patakaran ng quarantine, gaya ng pagpapatupad ng social distancing sa mga pasahero.

Watch more on iWantTFC

May checkpoint din sa mga boundary ng Pasig City at Cainta, Rizal, kung saan magkatuwang sa operasyon ang mga pulis at barangay health worker.

BODY CAMERAS, THERMAL SCANNER

Inirekomenda rin ni Sinas na pasuotin ang mga pulis na nasa checkpoint ng mga body camera. 

Maaari umanong kuhanan ng retrato ang mga mahuhuling lumalabag sa social distancing o hindi magpapakita ng ID sa mga boundary.

Tiniyak din ni Sinas na magpapatupad sila ng mahigpit na sanitary measures at safety guidelines sa lahat ng mga pulis na naka-deploy sa mga checkpoint.

Nanawagan din ang NCRPO sa DOH ng tulong para sa supply ng thermal scanners na ikakalat sa iba pang mga checkpoint.

CURFEW, MALLS

Matapos magkasundo ang mga alkalde ng Metro Manila ukol sa pagpapatupad ng curfew, agad nagpasa ng ordinansa ang Muntinlupa City na nagtatalaga ng curfew simula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

Watch more on iWantTFC

Inaprubahan na rin ng city council ang ordinansang magpapairal ng curfew sa Maynila.

Inanunsiyo na rin ni Makati City Mayor Abby Binay na naipasa na ng city council ang ordinansa para sa curfew, na sisimulan umanong ipatupad sa Lunes.

Sa isang post, sinabi naman ni Pasig Mayor Vico Sotto na ipatutupad na rin ang curfew sa kanilang lungsod hanggang sa matapos ang quarantine period sa Abril 14. 

Sa Lunes din ang simula ng curfew sa Pasay City, na nagdeklara ng state of calamity ngayong Linggo matapos dumami ang bilang ng mga person under monitoring.

Watch more on iWantTFC

Nagdeklara rin ng state of calamity sa San Juan sa harap ng banta ng COVID-19.

Exempted sa mga curfew ang mga nagtatrabaho at ilang essential movements gaya ng pagbili ng pagkain at paglabas para magpakonsulta sa ospital.

Para limitahan ang paglabas ng mga tao, iminungkahi na rin ng Metro Manila mayors ang pansamantalang pagsasara ng mga mall. Pero exempted umano rito ang mga supermarket, grocery, pharmacy at mga bangko.

Naglabas na ng temporary mall closure notice ang lahat ng Ayala Malls sa Metro Manila, na magsisimula sa Lunes.

Magsasara rin ang ilang malls sa SM Malls, partikular na sa mga local government unit na may inilabas nang ordinansa kaugnay ng community quarantine.-- Ulat nina Bianca Dava, Michael Delizo, Kevin Manalo, Angel Movido, Isay Reyes, at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.