4 arestado sa buy-bust operation sa QC

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2020 03:37 PM

Retrato mula sa Quezon City Police District Public Information Office

Apat na tao ang natimbog Sabado ng hapon sa buy-bust operation na ikinasa ng mga awtoridad sa Quezon City, kung saan nakumpiska ang P81,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Nasa 18 hanggang 26 ang edad ng mga suspek na dinampot sa may Luzon Avenue, Barangay Culiat bandang alas-3:45 ng hapon, ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD).

Binentahan umano ng mga suspek ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang 12 gramo ng hinihinalang shabu, isang digital weighing scale, isang cellphone, at ang buy-bust money.

Dalawa sa mga suspek ay nasa drug suspects database ng Barangay Culiat, kabilang ang isang dati nang kinashuan dahil sa ilegal na droga, sabi ng pulisya.

Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.