Suspek sa pagpatay sa magsasaka sa Cebu, arestado sa Davao

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 10:05 PM | Updated as of Mar 16 2019 12:54 AM

DAVAO CITY (UPDATE) - Arestado nitong Biyernes ang suspek sa pagpatay sa isang magsasaka sa Cebu noong Enero.

Ayon sa Police Regional Office 11, si Jonas Bueno ay sangkot sa pagpatay sa isang 62-anyos na magsasaka sa Danao City, Cebu.

Umamin ito sa nagawang krimen sa matanda, ayon kay Police Brig. Gen. Marcelo Morales, hepe ng Police Regional Office-Davao region.

Pero itinanggi nitong may kinalaman siya sa pagpatay sa 16-anyos na dalagita sa Lapu-Lapu City, Cebu, na natagpuang binalatan ang mukha hanggang sa makita na ang bungo.

“He is considered as one of the suspects based doon sa initial investigation, lumulutang yung nickname nya doon sa conversation sa victim. Yung kaniyang inamin lang is yung kaniyang participation sa unang case na meron siyang pinatay," ani Morales.

Nahuli sa lungsod si Bueno matapos isumbong ng mga kapitbahay.

Dalawang linggo na raw itong nasa Davao kasama ang karelasyon at dalawa nilang anak pati ang kaniyang tiyuhin.

Patuloy na ini-imbestigahan ng pulisya kung may kinalaman ito si Bueno sa pagpatay sa dalagita sa Cebu dahil pareho umano ang paraan sa pagpatay sa dalawang biktima.

--Ulat ni Vina Araneta-Pilapil, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.