Pekeng plastic surgeon, tiklo sa entrapment sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 05:58 AM

MAYNILA - Timbog sa entrapment operation sa Pasay City ang isang transgender matapos siyang ireklamo ng medical malpractice.

Ayon kay Police. Lt. Col. Deanry Francisco ng Pasay City police, ikinasa ang operasyon matapos magsumbong ang 37 anyos na negosyanteng babae.

Kuwento ng biktima, ininganyo siya ng 34 anyos na suspek na magpa-breast at cheekbone enhancement noong 2015. Siningil siya ng P150,000 para sa naturang operasyon.

Makalipas ang ilang taon, nakaramdam siya ng pangangati, pamumula, at pamamaga kaya kinontak niya ang suspek.

Inalok siya ng suspek na tanggalin ang itinurok na silicone at magsagawa ng panibagong operasyon na butt enhancement.

Napag-alaman na lang niya na walang lisensiya ang suspek kaya isinumbong niya ito sa mga awtoridad.

Sa entrapment operation, dinampot din ng mga pulis ang kasamang lalaki ng suspek. Nakuha sa kanila ang mahigit 60 syringe at mga bote ng artificial fats, alcohol, at pampamanhid.

Inamin ng suspek na 10 taon na siyang nagtuturok ng silicone dahil sa kawalan umano ng kabuhayan.

Mahaharap siya sa reklamong estafa at paglabag sa Republic Act 2382 o Medical Act. - Ulat nina Anjo Bagaoisan at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.