NAIA guard timbog sa pagdala ng baril sa MRT

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 11:53 AM

Nakuha sa bag ng lady guard ang 9mm na baril at siyam na bala sa Taft Avenue station ng MRT.

MAYNILA – Inaresto ang isang lady guard matapos na mahulihan ng baril sa kaniyang bag bago pa makasakay ng MRT sa Taft Avenue Station sa Pasay City, Biyernes ng umaga.

Ayon sa Pasay City Police, papasok ng MRT ang guard nang mapansin ng mga guwardiya ng estasyon na may dala itong baril sa loob ng kaniyang bag na dumaan sa x-ray machine alas-7:35 ng umaga.

Ang dalang 9MM pistol na may 9 na bala ay service firearm ng lady guard na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Subalit wala umano itong maipakitang mga dokumento ng exemption sa Comelec gun ban.

Dinala na sa pulisya ang gwardiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.