Lalaki patay sa gas poisoning sa Benguet

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 11:07 AM | Updated as of Mar 15 2019 11:46 AM

Sa tunnel na ito sa Tuba, Benguet pumasok ang biktima. Larawan muna sa Tuba Municipal Police Station

BAGUIO CITY - Patay ang isang lalaki matapos matagpuan sa isang pocket mine sa Barangay Camp 4, Kennon Road, Tuba, Benguet, Huwebes ng hapon. 

Gas poisoning ang ikinamatay ng magsasakang dating minero na kinilalang si Albert Basilio, 55 anyos. 

Ayon kay Police Major James Acod, Miyerkoles nang itawag ng mga kaanak ng biktima ang insidente at Huwebes lamang nang magsagawa ng retrieval operation para mai-angat mula sa higit 100-metrong lalim na butas ang bangkay ng magsasaka.

Dagdag pa ng pulisya, nasa 17 ang oxygen level sa lugar kung saan nakuha ang bangkay ng biktima, malayo sa 20 na normal level na kailangan para makahinga ng maayos ang isang indibidwal.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nagkaroon ng alitan sa pamilya dahilan para maglasing ang 55-anyos na biktima. 

Posibleng ito raw ang nagtulak sa kaniya para pumasok sa tunnel. 

Bukod sa flashlight, walang nakuhang gamit sa pagmimina kaya't hindi umano ito maituturing na insidente ng ilegal na pagmimina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.