DOE, kumuha ng dagdag na sample mula sa lumiliyab na lupa sa Agusan

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 12:26 AM

MAGALLANES, Agusan del Norte - Kumuha ng karagdagang gas sample ang Department of Energy sa lumiliyab na lupa sa Barangay Poblacion, Magallanes, Agusan del Norte.

Magdadalawang linggo nang lumiliyab ang lupa sa nasabing lugar.

Nilagyan na rin ng tubo ang isang area na may lumalabas na apoy.

Miyerkoles ng umaga, binisita ang site ng mga taga DOE Mindanao kasama ang DOE Central Office. Ito’y upang kumuha ng dagdag na gas sample maliban pa ito sa kinuhang gas sample noong Marso 8.

"Parang re-validation, 'yung consistency nung flame tapos another sampling kumuha din sila 'yung taga Central Office kumuha din sila ng sample. Tapos meron din kaming ginawa yung other surrounding circumstances at saka may information kaming kinukuha," paliwanag ni Engr. Virgilio Arzadon, senior science research specialist ng DOE Mindanao.

Tatagal ng isang linggo bago malaman ang resulta ng laboratory analysis sa kinuhang gas sample.

Marso 3 nang bumulwak ang itim na tubig malapit sa nilagyan ng tubo ng isang construction company na nagsagawa ng soil exploration para sa itatayong tulay na magdudugtong sa Butuan City at Magallanes, Agusan del Norte.