Dating alkalde sa Zamboanga del Sur, timbog sa droga

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 08:10 PM | Updated as of Mar 16 2019 05:39 AM

OROQUIETA CITY, Misamis Occidental (UPDATED) - Arestado ang dating alkalde ng Midsalip, Zamboanga del Sur sa raid kontra ilegal droga sa Oroquieta City, Misamis Occidental nitong Biyernes.

Nasamsam sa bahay ni Liwaya Paras sa Barangay Talairon ang higit sa P100,000 halaga ng hinihinalang shabu at mga baril.

Dinampot din ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kaniyang kinakasama.

Ayon kay Wilkins Villanueva, regional director ng PDEA Northern Mindanao, kasama sa drugs watch list ang dating alkalde na konektado umano sa Parojinog drug group.

Binibisita aniya si Liwaya ni Ardot Parojinog na nahuli sa Taiwan noong Hulyo.

Anak din ang suspek ni Leonida Angcap, ang kasalukuyang alkalde ng Midsalip.

Napag-alaman na wala pang isang taon simula ng tumira sa Oroquieta City ang suspek at kinakasama nito na sasampahan ng karampatang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.