3-anyos patay sa pananaksak sa Eastern Samar

Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 08:18 PM

Patay ang isang 3-anyos matapos na pagsasaksakin habang sugatan naman ang nanay nito sa Giporlos, Eastern Samar nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, bigla na lang pumasok sa bahay ng mga biktima ang suspek at pinagsasaksak ang bata bago ang nanay.

Ayon sa kasamahan sa bahay ng biktima, humingi pa ng ulam ang suspek sa ina bago ang pangyayari.

"Binigyan naman siya ni ate ng ulam, kaya hindi ko naisip talaga na mangyayari iyon," ayon sa testigo.

Dahil sa takot, tumakbo ito papalabas ng bahay at humingi ng saklolo.

"Pagdating ko naabutan pa talaga, in the act of kuwan, sinaksasak pa yung babae. Yun lang na-pacify ng pulis, kasi nung makita niyang may pulis na, binitiwan niya yung kutsilyo," ani PO3 Firmo Lestosane, imbestigador ng Giporlos Police.

Nadala pa sa ospital ang bata pero idineklara na itong patay ng doktor.

Patuloy namang ginagamot ang nanay sa ospital.

Kuwento ng suspek sa pulisya, may nagawa ang biktima na hindi nito nagustuhan.

"Parang, itsinitsismis yung ano nila, kwento, parang may tsismis daw yung babae na kinakalat, yun yung sabi niya kahapon, kaya niya raw nagawa yun," ani Lestosane.

Pero ayon sa pamilya ng biktima, wala silang nalalamang dahilan para magawa ito ng suspek.

Haharap ang suspek sa kasong murder at frustrated murder.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.