Tanod na nagtutulak umano ng marijuana timbog

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 02:50 PM

Arestado ang isang barangay tanod dahil sa pagtutulak umano ng marijuana. Itinatanggi niya ito. Kim Lorenzo, ABS-CBN News

BACARRA, Ilocos Norte - Arestado ang 50-anyos na barangay tanod matapos umanong magbenta ng dried marijuana leaves sa operatiba sa mismong harap ng kaniyang tahanan sa bayang ito nitong Miyerkoles.

Ayon sa pulisya, newly identified drug personality ang tanod at matagal na nilang minamanmanan.

Nagbenta umano ito ng dried marijuana sa halagang P500 na itinago niya sa loob ng posporo.

“Naaktuhan natin siya na nagbenta kasi before pa ng operation minonitor natin siya at talagang nagbebenta 'to kaya kinasahan natin ng buy-bust,” ani Chief Inspector Relly Layug, hepe ng pulisya ng Sarrat.

Nakuha pa sa pag-iingat niya ang 5 stick ng sigarilyo na hinihinalang marijuana at cellphone na ginamit niya sa pakikipagtransaksiyon.

Beberipikahin ng pulisya ang rebelasyon ng tanod na isa sa mga parokyano niya ay empleyado ng gobyerno.

“Marami siyang sinabing pangalan, isa yung government employee na hindi ko muna papangalanan at i-verify muna natin 'yung impormasyon,” ani Layug.

“Sa Ilocos Sur raw siya kumukuha ng binebenta niyang marijuana,” dagdag niya.

Itinanggi naman ito ng tanod.

“Kinapkapandak tas adda naala idiay likod a bulsak, ngem jak bagi dijay,” aniya.

(Kinapkapan ako 'tas sa likod ng bulsa ko meron raw nakuha eh hindi sa akin 'yun.)
 
Inamin ng tanod na dati siyang gumagamit ng marijuana pero 10 taon na niya umano itong itinigil.

Sasampahan ito ng reklamong pagtutulak at pag-iingat ng marijuana.