Pulis na bumaril umano sa 13-anyos, kinasuhan ng murder

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 07:50 PM

MAYNILA - Kinasuhan na ng Manila Police District homicide section ang pulis na itinuturong nakabaril sa 13-anyos na binatilyo sa slaughterhouse sa Vitas, Tondo, Maynila noong Marso 2.

Reklamong murder ang inihain ng MPD laban sa kanilang kabaro na si PO2 Omar Malinao sa Manila City Prosecutor's Office nitong Huwebes.

Batay sa affidavit of complaint, tumugma sa isinagawang ballistic examination ang basyo ng bala na nakuha mula sa pinangyarihan ng pamamaril sa test bullet na mula sa baril na inisyu ng PNP kay Malinao.

Nauna nang tinukoy ng pamilya ng biktimang si Aldrinne Pineda na naglalaro lamang malapit sa katayan sa Vitas nang siya ay mabaril.

Ayon kay Malinao, natapilok siya kaya niya nakalabit ang gatilyo ng kaniyang baril at pumutok.

Nananatili si Malinao sa administrative holding unit ng MPD.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.